Thursday, October 8, 2009

Introduction (Part 1): May Pag-asa pa ba ang Pilipinas?

Marami sa mga kababayan natin ay nagsasabi na kaya daw ang Pilipinas ay naghihirap ay dahil sa mali nating paraan ng pagboto. Hindi raw tayo pumipili ng tamang kandidato at marami pa nga raw sa atin ay nagbebenta ng ating boto. Pinag-tutuunan pa lalo ng mga kritiko ang mga kababayan nating mahihirap o ang sinasabing “masa” na sadya raw bobo, utu-uto, nagpapaloko, at nagpapagamit sa mga trapo (Traditional Politicians).

Ang ilang nakaraang pangyayari na kanilang ginagawang basehan sa kanilang mga sinasabi ay ang pagkakapanalo ng mga artista o celebrities sa mga maseselang pwesto sa gobyerno. Ilang halimbawa na nga ay ang pagkakapanalo ng dating Pangulong Joseph Estrada - isang sikat na artista, kung saan daw “masa” ang nagdala. Ibinibilang rin ang muntik nang pagkapanalo ni Fernando Poe Jr. - sinasabing The King of Philippine Movies, sa halalan noong 2004 bilang malinaw na halimbawa. Hindi raw maikakaila na maging sa senado ay maraming mga artistang nananalo na wala naman daw kakayahan na gampanan ang trabaho, kagaya daw nina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Lito Lapid. Marami-rami rin ang iba pang celebrities na naging congressman, governor, meyor, bokal o konsehal.

Ang ilan pang examples na sinasabi ng mga kritiko ay ang pagkapanalo ng mga ilang angkan o magkakapamilya na politiko (dynasty) at nang mga maraming trapo (o Traditional Politician, ibig sabihin sa lokal na gamit ay yung mga politiko na gumagamit ng maduming paraan sa pangangampanya at pagpapalakad ng gobyerno) sa mga probinsya, bayan-bayan at bara-baranggay. Ang mga politiko daw na ito ay namimili ng mga boto. E kung bakit ba naman daw nagpapabili naman ang mga tao? Maari naman kumuha ng pera sa trapo pero iba ang iboto. Ang dahilan daw nito marahil ay ang atin na mismong kultura sa pagtanaw ng utang na loob. Hindi raw naiintindihan ng “masa” na ang utang na loob ay hindi applicable sa ganitong situwasyon. Sa huli, hindi raw tayo makakaalis sa ating kahirapan hangga’t ang ating mga kababayan ay hindi magpapakatalino, magpapakatino at boboto ng tama.

Sa kabilang banda, kamakailan, ang mga kritiko ring ito ay nagsasabing tumatalino na raw ang Pinoy (ano nga ba talaga, kuya?). Ang isang example daw naman nito ay ang pagkatalo ng boksingerong si Manny Pacquiao sa kanyang pagtakbo sa kongreso. Si Pacquiao ay ang pinaka-popular na Pilipino pati na noong panahong siya ay tumakbo, pero walang nagawa ang kanyang popularidad. Napagkakantiyawan pa ngang tinalo siya ng isang bata at maliit na babae na si Cong. Darlene Antonio sa pamamagitan ng “knock out” (may pahaging sa pagiging boksingero ni Pacquiao).

Ang isa pa raw na halimbawa ng unti-unting pagtalino ng mga tao ay ang pagkapanalo ni Gov. Eddie “Among Ed” Panlilio sa Pampanga. Kinalaban ni Among Ed si Lilia Pineda na sinasabing asawa ng kilalang Jueteng Lord sa Pampanga. Kalaban din ni Among Ed si Mark Lapid, na dati nang gobernador ng lalawigan, anak ng isang artistang senador, at isa rin mismong artista. Nanalo si Among Ed sa kabila ng pag-endorso ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay Lapid doon pa sa probinsya rin ng pangulo. Ito ay sa kabila pa ng mga popular na mga gimmick katulad ng pagpapakalat ng tsismis na si Lapid ay nobyo ni Kris Aquino, isa naman sa pinaka-popular na artista, host at celebrity sa bansa.

Pero kung titingnan natin, maliit na bilang lamang ang mga halimbawang ito. Sa halos lahat na bahagi sa bansa, nananalo pa rin ang maraming artista at mga trapo sa mga eleksyon. Iisa pa rin daw ang dahilan: walang iba kundi ang kabobohan di umano ng masa.

Kung ganito ang takbo ng ating isip ay mukhang wala na ngang pag-asa ang ating bayan. Kung ang masa o ang nakararaming mahihirap ang may kasalanan, paano mababago ang sitwasyon? Kung mali ang ibinoboto ng masa sa pwesto, lalong maghihirap ang ating mga mamamayan at lalong dadami ang mapapabilang sa masa, na siya ring boboto sa mga trapo at celebrities na ito sa susunod na eleksyon. Samakatwid, lalong dadami ang mananalong kandidato na hindi karapat-dapat.

Hindi pa napag-uusapan diyan ang dayaan na nangyayari tuwing sa araw mismo ng eleksyon. Sinasabing ang ating boto ay hindi nabibilang ng tama. Ang mga boto daw ay nadadagdagan para sa trapo at nababawasan para sa matinong kandidato, sa paglipat ng bilang mula sa presinto patungong munispyo at mula munispyo papuntang probinsya at sa probinsya patungo ng kongreso. (Kaya’t marami ang umaasa na mababawasan ang dayaaan sa bilangan ngayong magkakaroon ng automated counting sa eleksyon.)

Kung ganito nga naman ng ganito ang sitwasyon, paano na uunlad ang bayan? Para na ba tayong nilalamon ng kumunoy at wala na tayong mahagilap na solusyon? Para ba tayong nasa isang spiral staircase kung saan tayo ay bumababa nang paikot-ikot, palalim nang palalim, na hindi natin alam kung gaano kalalim at kung ano ang kahahantungan?

Introduction (Part2): Hindi Bobo ang Pinoy

Sa aking palagay, nagkakamali ang mga taong nagsasabi na bobo ang ordinaryong Pinoy. Ang totoo, mayroon ngang bobo, pero mas nakararami, kagaya rin sa ibang lahi, ang nakakaalam ng tama o mali. Nakapag-aral man o hindi, mayaman man o mahirap, ang pagkakaroon ng konsiyensya at common sense ay natural na mayroon sa lahat ng tao (bagamat sinasabi ng iba na ang common sense daw kadalasan ay hindi common).

Tingnan na lamang ang pagpila sa pagsakay sa dyip. Kung may pila, wala namang taong sisingit sa pila (kung mayroon man, iyon ay yung mga hindi nakapansin sa pila o yung iilang talagang makapal ang mukha). Siempre, kung wala namang pila at kakaunti ang jeep, natural na mag-uuna-unahan ang mga tao. Martir na masasabi ang hindi makikipag-unahan. Pero kung damihan naman natin ang jeep, hindi mag-uunahan ang mga tao. Paniguradong magbibigayan sila, magbibigay lalo na sa mga babae, sa matatanda at sa mga bata.

Sa Pilipinas, ang sitwasyon natin ay parang katulad sa isang lugar na kakaunti ang dyip o sasakyan at walang pilahan sa pagsakay. Natural lamang na mag-uuna-unahan tayo. Sa mga hindi nakakaalam, kagaya nung mga nakakotse at hindi sumasakay ng dyip, akala nila ay kulang sa disiplina ang Pinoy. Sinasabi ring bobo tayo, short-sighted o walang pagmamahal sa bayan, dahil hindi tayo nagtutulung-tulungan gayong iyon lamang ang tamang gawin. Sa kasamaang palad, ang ating mga leaders ay parang iyong mga nakakotse na iyon. Hindi nila alam o nararamdaman ang tunay na nangyayari sa kalsada. Sila ang may responsibilidad na gumawa ng pilahan pero hindi nila ginagawa ito. Pati ang mga kritikong pumupuna sa ugali ng Pilipino, hindi nila naiintindihan ang katotohanan. Akala yata nila ay basta pipila ang tao dahil ito ang tama kahit hindi ito praktikal. Sa palagay ninyo, sino ang talagang mas bobo?

Itatanong siguro ng marami kung bakit sa maraming bagay, kahit mayroon nang batas ay hindi pa rin sinusunod ng mga Pinoy. Bakit walang self-discipline ang ating mga kababayan? Ang simpleng halimbawa ay pagtatapon ng basura. Bakit tayo tapon ng tapon kahit saan kahit mayroong malinaw na patakaran na bawal magtapon? Alam din naman ng lahat na nakakadumi ang basura at hindi tamang itapon ito kahit saan.

Tama ang ganitong obserbasyon, pero may simpleng kasagutan dito. Kung may patakaran na bawal magtapon pero hindi ito ipinatutupad, ibig sabihin ay hindi ito ang tunay na patakaran. Para ipatupad ang simpleng patakarang bawal magtapon ng basura, kailangan ang isang simpleng bagay: kailangang may basurahan kung saan pwedeng itapon ang basura. Kapag walang basurahan, ang batas na magbabawal magtapon ng basura ay isang suggestion lamang. Iisipin pa nga ng marami na ito ay isang joke lang. Paano ka hindi magtatapon ng basura kung ang tapunan ay isang kilometro ang layo? Sa Pinoy, napaka-obvious ang sitwasyon. Alam ng lahat na ang tunay na patakaran ay pwede talagang magtapon ng basura kahit saan, sabihin man ito o hindi.

Maaari namang idagdag ng kritiko na alam naman ng Pinoy, ng masa, na masama iyon, bakit ayaw nilang magsakripisyo at maglakad ng isang kilometro para sa igaganda ng bayan? Wala na raw ba silang pagmamahal sa bayan?

Madaling sabihin ang nakaraang argument, lalo na kung ikaw ay mayaman at nakatira sa isang magandang subdivision. Pero kung iisipin mo na marami sa mahihirap ay nakatira sa ibabaw ng basurahan o sa tabi ng ilog na puno ng basura, hindi ba’t sobra naman yata sa katangahan kung maglalakad pa sila ng isang kilometro para itapon ang balat ng candy o noodles na kinain nya?

Sino ngayon ang bobo? Bobo ba ang mahihirap, ang “masa”, na madaling nakakaintindi ng mga katotohanang nangyayari sa paligid niya? Hindi kaya ang bobo ay iyong gumagawa at nagpapatupad ng batas (at ang kritikong pumupuna)?

Isang pruweba na may disiplina ang Pilipino ay ang nangyayari sa Subic. Doon, dahil ipinagpatuloy ni Senador Richard Gordon, noong dati’y tagapamahala ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), ang mga patakaran na ipinatutupad ng mga Amerikano habang sila pa ay nasa Subic, kitang-kitang sumusunod ang mga Pinoy sa lahat ng rules and regulation. Kapag nakapagdrive ka sa Subic, magugulat ka kung gaano kadisiplinado ang mga tao. Humihinto pa nga ang mga Pinoy drivers kahit walang pulis sa mga kanto basta may Stop sign. Sa kanto ring iyon, nagbibigayan sila sa patakarang first come first served. Parang nasa abroad, ang galing, ano?

Isa ring kakikitaan ng pruweba ay ang paglalagay ng mga urinals sa Metro Manila. Noong dating panahon, talaga namang bawal umihi sa mga pader at alam naman ng lahat na masama ito kahit sabihin na nating walang batas nito. Pero marami pa rin ang umiihi sa pader. Ano naman kasi ang gagawin ng taong ihing-ihi na, kagaya ng mga drivers na maghapong nagbibiyahe? Wala namang mga palikuran o CR na madaling puntahan sa tabi ng kalsada. Iihi na lang ba sila sa kanilang pantalon? Nagbago ang lahat noong magpagawa si Chairman Bayani Fernando ng MMDA (Metro Manila Development Authority) ng maraming pink urinals o ihian sa Metro Manila. Halos mawala na ang drivers na umiihi sa karsada. Kahit ano ang sabihin ng kritiko ni Fernando, sadyang tagumpay ang ideya na iyon.

Kailangang may tamang basurahan kapag ipagbabawal ang pagtapon ng basura kung saan-saan. Kailangang may lugar na ihian kung ipagbabawal umihi sa pader. Kapag walang kaakibat na sistema ay walang bisa ang batas. Ang batas ay nagiging katatawanan lamang. Mas mainam pang tanggalin na ang batas kaysa mayroon nga pero hindi pinag-isipan ang pag-implement nito. Ito pa nga ang pagmumulan ng graft and corruption ng mga opisyal (sa pamamagitan ng selective/discretionary implementation) kung walang sistema sa pagpapatupad ng batas. Sabi nga ni Mayor Alfredo Lim ng Maynila: “The law applies to all or none at all” (hindi ko alam kung si Mayor Lim ang orihinal na nagsabi nito).

Makikita rin ang pagsunod ng mga Pinoy sa batas kung sila ay nasa ibang bansa. Marami nga ang nagtatanong kung bakit ang Pinoy sa Amerika ay masunuring citizen samantalang pag-balik nila sa Pilipinas ay bumabalik naman sa dating gawi? Simple lamang ang kasagutan at alam na nating lahat. Hindi iyon kawalang disiplina o kabobohan ng Pinoy. Alam ng Pinoy ang tunay na patakaran. Alam niya kung saan sinusunod ang batas at kung saan ito’y biro lamang. Alam niya na sa Amerika ay dapat sundin ang batas. Alam niya ito dahil nakikita niya ang sistema, dahil nakikita niya ang tamang basurahan kung saan may bawal magtapon. Ang tagumpay ng batas ay nasa sa disiplina o katalinuhan ng mga gumagawa at nagpapatupad nito at hindi lamang sa mga taong susunod dito.

Introduction (Part 3): Ang Pinoy ba ay Madaling Turuan?

At kagaya rin ng ibang lahi, tayong mga Pilipino ay maaring turuan ng tama o kung ano ang mas maganda. Sa kabilang banda, maari rin tayong turuan ng mali at kung ano ang mas madali. Ang nakakalungkot, mas madaling ituro ang mali kaysa sa tama, ang madali o shortcut sa mas maganda.

Kagaya ng mga naunang halimbawa, kitang-kita nating madaling ituro ang hindi pagsunod sa batas, pero maari ring ituro ang pagsunod dito. Dyan din makikita na ang pagtuturo sa tao ay hindi sa pamamagitan ng pormal na paraan. Hindi sila kailangang bigyan ng lecture na parang mga bata sa iskwela, dahil aantukin lamang sila. Kailangan lamang isagawa ang sistema ng isang batas o patakaran na gusto nating ipatupad at matututunan na ito ng taong bayan sa kanilang sarili.

Ang isa rin sa paraan ng pagtuturo ay ang pagpapakita ng halimbawa. Kapag malinaw ang rules at may unang sumunod dito, natural na susunod ang iba. Kagaya nga ng pila sa sakayan ng jeep. Kahit pa nga walang nakalagay sa lugar na dapat pumila, kapag may nakapila ay pipila na rin ang karamihan.

Ang malinaw dito, sa isang bansa na hindi napapatupad ang batas, hindi ito dahil sa bobo o walang disiplina ang mga mamamayan nito. Ang tamang dahilan ay bobo o/at corrupt ang mga government officials na nagpapatupad ng batas dito at ang hindi pagsunod sa batas ang kanilang naituturo.