Thursday, October 8, 2009

Introduction (Part 1): May Pag-asa pa ba ang Pilipinas?

Marami sa mga kababayan natin ay nagsasabi na kaya daw ang Pilipinas ay naghihirap ay dahil sa mali nating paraan ng pagboto. Hindi raw tayo pumipili ng tamang kandidato at marami pa nga raw sa atin ay nagbebenta ng ating boto. Pinag-tutuunan pa lalo ng mga kritiko ang mga kababayan nating mahihirap o ang sinasabing “masa” na sadya raw bobo, utu-uto, nagpapaloko, at nagpapagamit sa mga trapo (Traditional Politicians).

Ang ilang nakaraang pangyayari na kanilang ginagawang basehan sa kanilang mga sinasabi ay ang pagkakapanalo ng mga artista o celebrities sa mga maseselang pwesto sa gobyerno. Ilang halimbawa na nga ay ang pagkakapanalo ng dating Pangulong Joseph Estrada - isang sikat na artista, kung saan daw “masa” ang nagdala. Ibinibilang rin ang muntik nang pagkapanalo ni Fernando Poe Jr. - sinasabing The King of Philippine Movies, sa halalan noong 2004 bilang malinaw na halimbawa. Hindi raw maikakaila na maging sa senado ay maraming mga artistang nananalo na wala naman daw kakayahan na gampanan ang trabaho, kagaya daw nina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Lito Lapid. Marami-rami rin ang iba pang celebrities na naging congressman, governor, meyor, bokal o konsehal.

Ang ilan pang examples na sinasabi ng mga kritiko ay ang pagkapanalo ng mga ilang angkan o magkakapamilya na politiko (dynasty) at nang mga maraming trapo (o Traditional Politician, ibig sabihin sa lokal na gamit ay yung mga politiko na gumagamit ng maduming paraan sa pangangampanya at pagpapalakad ng gobyerno) sa mga probinsya, bayan-bayan at bara-baranggay. Ang mga politiko daw na ito ay namimili ng mga boto. E kung bakit ba naman daw nagpapabili naman ang mga tao? Maari naman kumuha ng pera sa trapo pero iba ang iboto. Ang dahilan daw nito marahil ay ang atin na mismong kultura sa pagtanaw ng utang na loob. Hindi raw naiintindihan ng “masa” na ang utang na loob ay hindi applicable sa ganitong situwasyon. Sa huli, hindi raw tayo makakaalis sa ating kahirapan hangga’t ang ating mga kababayan ay hindi magpapakatalino, magpapakatino at boboto ng tama.

Sa kabilang banda, kamakailan, ang mga kritiko ring ito ay nagsasabing tumatalino na raw ang Pinoy (ano nga ba talaga, kuya?). Ang isang example daw naman nito ay ang pagkatalo ng boksingerong si Manny Pacquiao sa kanyang pagtakbo sa kongreso. Si Pacquiao ay ang pinaka-popular na Pilipino pati na noong panahong siya ay tumakbo, pero walang nagawa ang kanyang popularidad. Napagkakantiyawan pa ngang tinalo siya ng isang bata at maliit na babae na si Cong. Darlene Antonio sa pamamagitan ng “knock out” (may pahaging sa pagiging boksingero ni Pacquiao).

Ang isa pa raw na halimbawa ng unti-unting pagtalino ng mga tao ay ang pagkapanalo ni Gov. Eddie “Among Ed” Panlilio sa Pampanga. Kinalaban ni Among Ed si Lilia Pineda na sinasabing asawa ng kilalang Jueteng Lord sa Pampanga. Kalaban din ni Among Ed si Mark Lapid, na dati nang gobernador ng lalawigan, anak ng isang artistang senador, at isa rin mismong artista. Nanalo si Among Ed sa kabila ng pag-endorso ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay Lapid doon pa sa probinsya rin ng pangulo. Ito ay sa kabila pa ng mga popular na mga gimmick katulad ng pagpapakalat ng tsismis na si Lapid ay nobyo ni Kris Aquino, isa naman sa pinaka-popular na artista, host at celebrity sa bansa.

Pero kung titingnan natin, maliit na bilang lamang ang mga halimbawang ito. Sa halos lahat na bahagi sa bansa, nananalo pa rin ang maraming artista at mga trapo sa mga eleksyon. Iisa pa rin daw ang dahilan: walang iba kundi ang kabobohan di umano ng masa.

Kung ganito ang takbo ng ating isip ay mukhang wala na ngang pag-asa ang ating bayan. Kung ang masa o ang nakararaming mahihirap ang may kasalanan, paano mababago ang sitwasyon? Kung mali ang ibinoboto ng masa sa pwesto, lalong maghihirap ang ating mga mamamayan at lalong dadami ang mapapabilang sa masa, na siya ring boboto sa mga trapo at celebrities na ito sa susunod na eleksyon. Samakatwid, lalong dadami ang mananalong kandidato na hindi karapat-dapat.

Hindi pa napag-uusapan diyan ang dayaan na nangyayari tuwing sa araw mismo ng eleksyon. Sinasabing ang ating boto ay hindi nabibilang ng tama. Ang mga boto daw ay nadadagdagan para sa trapo at nababawasan para sa matinong kandidato, sa paglipat ng bilang mula sa presinto patungong munispyo at mula munispyo papuntang probinsya at sa probinsya patungo ng kongreso. (Kaya’t marami ang umaasa na mababawasan ang dayaaan sa bilangan ngayong magkakaroon ng automated counting sa eleksyon.)

Kung ganito nga naman ng ganito ang sitwasyon, paano na uunlad ang bayan? Para na ba tayong nilalamon ng kumunoy at wala na tayong mahagilap na solusyon? Para ba tayong nasa isang spiral staircase kung saan tayo ay bumababa nang paikot-ikot, palalim nang palalim, na hindi natin alam kung gaano kalalim at kung ano ang kahahantungan?

4 comments:

  1. maaari ka bang magbigay ng mga dahilan at ang mga nagagawang epekto ng pagbebenta ng boto sa mga tao at sa lipunan?

    ReplyDelete
  2. kung bibigyan ka ng pag kakataon ano ang unang babaguhin mo ang ating GOBYERNO o KULTURA? paano mo ito mababago? at Bakit?
    maraming salamat po

    ReplyDelete
  3. Aba, meron po palang nagbabasa nitong mga pinag-susulat ko dito. Salamat po sa inyo, mga Anonymous.

    Bagamat sinabi ko po na dapat ay ilagay ang pangalan at lugar, e sasagutin ko na rin po ang tanong ninyo dahil wala nang ibang nag-cocomment dito (hehe)..

    Anonymous#1. Maganda po iyang suggestion na iyan. I aanalyze po natin dapat kung bakit nagbebenta ng boto ang mga Pinoy, at kung ano ang masasamang epekto nito. Abangan!

    Anonymous#2: Ewan ko po kung may kinalaman ang katanungan nyo sa topic natin dito, pero sasagutin ko na rin po. I-interpret ko po muna ang katanungan: Siguro po ay tinatanong ninyo kung ano ang dapat mauna, Charter Change o Cultural Change?

    Kung ito po ang tanong ibig, sabihin po ay may mali siguro sa Constitution natin at sa Culture natin. Dahil lahat naman po ay hindi perpekto, siguradong may mali nga sa pareho, at kailangan pong baguhin ang lahat ng pagkakamaling ito. Dahil mahirap at matagal po ang proseso ng pagbabago, hindi na po siguro dapat isipin kung ano ang unahin. Pagsabayin na po natin, kung alin ang mali, pilitin nating baguhin, kahit saan man nandoon.

    Kapag inuna po natin ang isa, hindi po tayo talaga matatapos at hindi na po natin muumpisahang baguhin yung isa pa. Bukod doon, tuloy-tuloy po ang walang hanggang pagbabago.

    Kaya't ang kasagutan ko po: Sabay.

    Sa tanong na kung paano, marami po uling paraan iyan pero sa palagay ko po, ang dapat tutukan ay ang edukasyon ng mga tao sa pamamagitan ng mass media. Makinig po kayo sa programa namin sa DWBL (plugging, hehe) kung saan po kami nagpapakita ng mga ibang opinyon hindi po para sa opinyon namin kundi para makabuo ang aming taga pakinig ng mas makabuluhang sarili nilang opinyon.

    Salamat din po!

    ReplyDelete
  4. bakit ba may mga taong ganyan?
    hindi cla makuntento sa kung ano ang meron cla
    dapat patalckin ang mga taong yan sa pwesto nila

    ReplyDelete

Kung kayo ay may comments o suggestions, paki lagay lamang po ang pangalan at lugar. Huwag pong mag-mumura, magbabanta o manlalait ng iba (bad po iyon talaga). Hindi rin po pinahihintulutan ang pagbebenta ng kung anu-ano dito dahil wala akong pera. Buburahin ko po ang lahat ng sa palagay ko ay hindi appropriate sa blog na ito. Salamat po.